Just great.

Sa nakalipas na dalawang linggo, nasanay na akong matulog na lumalangoy sa alalahanin at gumising na lutang. Siguro ang dami-daming sabay-sabay na nangyayari kaya ganun. Nakakaimbyerna, kasi sa totoo lang ayoko ng drama. Pero ano pa bang magagawa ko, binabato na ako ng buhay ng kung ano-ano. Yung iba mababaw lang, yung iba medyo malalim. Parang sigurong sugat mula sa isang operasyon na gumaling na, pero kinailangang buksan ulit kasi may naiwan na gauze sa loob.

Siguro nga, nasosobrahan na ako sa stress. Kanina lang nung pagharap ko sa salamin, napansin ko na hindi na pang-normal na tao ang eyebags ko. Sobrang hypotensive din ako at pumapalo sa 90/60 ang BP ko (120/80 ang normal), pero salamat naman sa Diyos at di pa ako nahihimatay sa sobrang baba ng blood pressure. 

Dagdag pa ang nakakapanglumong presidente ng aming opisina. Feel na feel niya na siya ang “the man”, na napakadami niyang nagawa kanina pero sa totoo lang, gabi na siya nagpakita at hindi man lang nakibalita sa stampede na naganap sa auditorium. Ako ang “flavour of the month” ngayon ng mga batchmates ko. Oo, maaalala nila ako sa graduation, hindi dahil sa yearbook pero dahil sa naimbyerna sila ng todo kakahintay ng matagal sa magulo at napakainit na auditorium. Lahat na ng mura at masasakit na salita ay narinig ko kanina sa mga estudyante dahil hindi nila alam na nandoon lang ako sa likod nila. Papasok na sana ako sa auditorium noon kaya bigla akong napatigil. Salamat na lang at nandoon ang ilan sa mga kaibigan ko para tumulong kung hindi baka tuluyan na akong himatayin sa init ng ulo.

Para tuloy bigla akong nagising sa mapaklang katotohanan. Kung dati, sige, sugod lang ng sugod, kung magkamali man, keber, ulitin na lang. Pero ngayon, parang napagod na akong magkamali at umulit. Ano ba naman ang magagawa ng kakadasal na siguro, aayus din ang lahat, kung alam mo naman na sa simula pa lang ay nakataga na sa bato ang mga mangyayari? “And they lived happily ever after…”  Sa totoong buhay, bihira ang ganun. At kung sakaling masaya nga ang ending, imposibleng hindi magkakaproblema sa epilogue.

Alam ko, nagpapaka-pessimist lang ako. Malamang lilipas din to. Demmit, ako pa. AKO PA. Sa mga nakakakilala sa kin, ako ang dakilang optimist. “Life is beautiful” yan ang motto ko. Pero ngayon, parang gusto ko munang panandaliang mabulag sa kagandahang iyan. Siguro kasi, sawa na akong mag-effort para sa mga bagay na wala na rin akong magagawa. Sawa na akong humiling ng mga bagay na minsan di naman nabibigyan ng sagot. Sawa na akong magbigay, dahil di ko namamalayang wala nang natitira para sa akin. Sawa na rin akong maging panakip butas.

Stop. Breathe.

Siguro kailangan ko lang magbakasyon. May nakapagsabi sa kin na “Give yourself a break”. Tao lang naman ako, hindi superhero. Ganun naman talaga, diba? Madaya ang buhay, pero hindi ibig sabihin hindi maganda. Alam kong lahat yun. Alam ko rin na siguro, sa loob ng ilang buwan, pagtatawanan ko na lang ang blog entry na 'to. Pero ngayon, magpapaka-senti muna ako. Magpapaka-helpless. Kasi, parang masyado kong pinanindigan na malakas ako, na kaya kong magpaka-“buffer” para sa sarili ko at para sa iba. Hindi pala laging ganun. Hindi ibig sabihin na hindi na ako magbibigay, dahil ganun lang talaga ako, hanggang sa may maibibigay, ibibigay ko. Wala naman akong kayang ipagdamot sa mga taong mahal ko. Pero siguro lang, mananahimik lang ako ng ilang mga araw. Mag-iisip ng kaunti. 
summer breeze,
makes me feel fine,
blowing through the jasmine in my mind.

Comments

Popular Posts